Kinondena ng grupong Tindig Pilipinas at mga kaalyadong organisasyon ang umano’y hakbang ng ilang senador na kaalyado ng mga Duterte na protektahan si Vice President Sara Duterte at Senador Ronald dela Rosa mula sa mga umiiral na proseso ng pananagutan gaya ng impeachment at warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa isang press conference, sinabi ni Atty. Dino de Leon na malinaw umano ang mensahe sa likod ng pagpapalit ng liderato sa Senate of the Philippines habang may mahalagang constitutional process na isinasagawa.

Ayon sa kanya, tila may mga nais umanong pigilan ang katotohanan at iligtas ang ilang personalidad mula sa pananagutan.

Binatikos din niya ang paglalagay ng Senado kay dela Rosa sa protective custody matapos itong maugnay sa kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y “war on drugs” noong administrasyon ni Rodrigo Duterte.

Advertisement

Giit ng mga grupo, hindi dapat maging “safe haven” o kanlungan ng mga pugante at mga inaakusahan ng mabibigat na krimen ang Senado, at ipinaalala rin na limitado lamang ang immunity ng mga senador at hindi nito saklaw ang kasong crimes against humanity.

Nanawagan din si Yvonne Jereza kay dela Rosa na harapin ang kaso nito sa ICC, habang sinabi naman ni Rafaella David na hindi dapat hadlangan ng Senado ang pagsisilbi ng warrant at ang impeachment process laban kay VP Duterte.

Samantala, iginiit din ni Fr. Robert Reyes na hindi dapat gamitin ang isyu ng soberanya laban sa ICC dahil bahagi umano ito ng international law na kinikilala rin sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas.

Patuloy namang babantayan ng mga grupo ang mga susunod na hakbang ng Senado at nananawagan sa publiko na ipagtanggol ang constitutional processes at pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.

Advertisement