Nagsampa ng reklamo sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang isang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) driver laban sa apat na tauhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) dahil sa umano’y extortion kaugnay ng impoundment ng kanyang sasakyan.
Ayon sa NAPOLCOM, naganap ang insidente habang minamaneho ng complainant ang kanyang sasakyan sa EDSA southbound malapit sa GMA-Kamuning MRT Station nang siya ay pinara ng PNP-HPG dahil sa umano’y depektibong tail o brake light.
Dinala siya sa isang outpost ng PNP-HPG sa Mindanao Avenue Extension sa Caloocan City, kung saan sinabihan na ipi-impound ang kanyang sasakyan dahil sa umano’y expired na dokumento.
Habang inaayos ang pagpapalabas ng sasakyan, inaalok umano ng isa sa mga pulis na mapapabilis ang proseso kapalit ng ₱50,000, na kalaunan ay ibinaba sa ₱35,000.
Ayon sa reklamo, sinubukan pa umano ng driver na makipagnegosasyon para sa mas mababang halaga ngunit iginiit pa rin ng mga pulis ang cash payment na ₱35,000.
Sa affidavit ng complainant, iginiit niya na ang naturang paniningil ay malinaw na paglabag sa batas at maituturing na extortion.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan, seryoso ang ahensya sa mga ganitong alegasyon at tiniyak na mananagot ang sinumang mapapatunayang umaabuso sa kapangyarihan.
Patuloy na iniimbestigahan ng NAPOLCOM ang reklamo upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot na tauhan.













