Mariing kinondena ng transport group na Manibela ang umano’y hindi maayos na sistema ng pamamahagi ng ayuda para sa mga tsuper, kung saan marami umano ang napilitang pumila buong araw sa ilalim ng init ng araw ngunit iilan lamang ang nakatanggap ng tulong.
Ayon kay Mar Valbuena, mistulang “nanlilimos” ang mga driver sa kasalukuyang sistema. Iminungkahi niya na sa halip na cash distribution, mas mainam na magbigay na lamang ang gobyerno ng fleet cards na maaaring direktang gamitin sa mga gasolinahan.
“Kami ang direktang pumasan ng bigat,” ani Valbuena, na nagsabing umaabot sa P1,500 kada araw o P50,000 kada buwan ang nawawala sa kita ng mga tsuper dahil sa patuloy na pagtaas ng gastos at kakulangan ng suporta.
Dagdag pa niya, ang mga ordinaryong tsuper ang patuloy na nagsasakripisyo sa kabila ng mga hamon sa sektor ng transportasyon.














