NAGA CITY – Dead-on-arrival ang isang tricycle driver matapos mabundol ng isang truck ang minamanehong tricycle sa National Highway sa Brgy. Pinagbayanan, Pagbilao, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Romeo Bana Bonsol, 42-anyos, residente ng Sitio Navotas Brgy. Ikirin, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na habang binabagtas ng truck na minamaneho ni Luel Romeo Aynera Marcellana, 52-anyos, residente ng 2052 Locsin Subd. Daraga, Albay ang kahabaan ng nasabing kalsada nang subukan nitong mag-overtake dahilan para masalpok ang kasalubong na tricycle na minamaneho naman ni Bonsol.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa lakas ng impact, nayupi ang tricycle habang agad naman sanang dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara rin itong dead-on-arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.