Nabuo ang isang tropical depression mula sa low-pressure area na mino-monitor sa labas ng Philippine Area of Responsibility, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa inilabas na tropical cyclone formation outlook ng PAGASA alas-10 ng umaga nitong Martes, sinabi ng ahensya na naging tropical depression ang weather disturbance bandang alas-8 ng umaga habang nasa labas pa rin ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa datos ng weather bureau, huling namataan ang sistema mga 1,305 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar, Philippines.
Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 55 kilometro kada oras.
Kumikilos ang tropical depression pahilagang-silangan sa bilis na 10 kilometro kada oras habang patuloy itong naglalakbay sa bahagi ng Philippine Sea.
Bagaman nasa labas pa ng PAR ang sistema, hinikayat ng PAGASA ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather bulletin sakaling magkaroon ng pagbabago sa galaw o lakas nito.














