Lumakas bilang tropical storm ang isang dating tropical depression na minomonitor ng PAGASA sa loob ng Tropical Cyclone Information Domain (TCID), ayon sa pinakahuling ulat nitong Huwebes ng gabi.

Batay sa update ng PAGASA, namataan ang sama ng panahon sa layong 2,805 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao dakong alas-8 ng gabi. Taglay nito ang maximum sustained winds na 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kph, habang mabagal itong kumikilos pakanluran.

Ayon sa ahensya, nasa loob ng Tropical Cyclone Information Domain (TCID) ang bagyo—ang pinakamalaki at pinakalabas na monitoring area ng PAGASA. Nilinaw nito na ang mga bagyong nasa loob ng TCID ay itinuturing pang nasa antas ng “least concern” ngunit mahalaga pa ring bantayan para sa impormasyon at paghahanda ng publiko.

Bagama’t nasa malayong distansya pa at hindi direktang nakaaapekto sa bansa, patuloy itong mino-monitor ng mga weather forecaster dahil sa posibleng pagbabago ng direksyon at lakas nito sa mga susunod na araw.

Advertisement

Samantala, inaasahang magpapatuloy ang localized thunderstorms sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa sa susunod na 24 oras, na magdudulot ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan o thunderstorm activity.

Patuloy na pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na manatiling alerto sa mga susunod na update, lalo na sa posibleng pagbabago ng panahon sa loob ng linggo.

Advertisement