Patuloy na papalapit ang Tropical Storm Maymay sa hilagang bahagi ng Ilocos Sur, ayon sa pinakahuling tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inilabas alas-2 ng madaling araw nitong Huwebes.

Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa karagatang malapit sa Magsingal, Ilocos Sur. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot naman sa 105 kilometro kada oras. Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, at ilang lugar sa La Union, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Benguet, at Cagayan.

Samantala, nasa ilalim naman ng Signal No. 1 ang iba pang bahagi ng La Union, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Benguet, Ifugao, mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, pati na rin ang ilang bahagi ng Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, at Aurora.

Advertisement

Ayon sa PAGASA, inaasahang tatama ang Bagyong Maymay sa hilagang bahagi ng Ilocos Sur ngayong umaga bago ito tumawid sa bulubunduking bahagi ng Northern at Central Luzon.

Inaasahan ding lalabas ang bagyo sa silangang bahagi ng Isabela o Cagayan matapos nitong makatawid sa kalupaan.

Tiniyak ng state weather bureau na mananatiling isang tropical storm ang bagyo bago ito mag-landfall. Gayunman, inaasahang unti-unti itong hihina habang tumatawid sa lupain at maaaring maging tropical depression, bago posibleng maging low-pressure area pagsapit ng hapon o gabi dahil sa epekto ng mabundok na bahagi ng Luzon.

Advertisement