Patay ang isang 49-anyos na truck driver matapos barilin sa Barangay Del Rosario, Naga City nitong Mayo 14, habang nasawi rin ang suspek matapos umanong barilin ang sarili sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya.
Batay sa paunang imbestigasyon, kabababa lamang umano ng biktima mula sa kanyang truck nang lapitan siya ng suspek at barilin sa ulo gamit ang maikling baril. Idineklarang dead on arrival ang biktima.
Ayon sa isang testigo, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa madamong bahagi ng barangay matapos ang pamamaril.
Agad namang naglunsad ng hot pursuit operation ang mga pulis at natunton ang suspek sa Barangay Palestina bandang alas-2:15 ng hapon.
Bago pa man maaresto, pinaputukan umano ng suspek ang sarili gamit ang parehong baril, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin ang motibo sa insidente at iba pang detalye ng kaso.














