Binati ni US President Donald J. Trump ang apat na astronaut ng Artemis II kasunod ng matagumpay nilang siyam na araw na misyon sa paligid ng buwan at ligtas na pagbabalik sa Earth.

Ayon kay Pangulong Trump, “spectacular” ang naging biyahe at “perfect” ang landing ng Orion spacecraft matapos ang splashdown nito sa karagatan malapit sa San Diego.

Ipinahayag din ng pangulo ang kanyang pagmamalaki sa crew na sina Reid Wiseman, Victor Glover, Christina Koch, at Jeremy Hansen, at inimbitahan ang mga ito na bumisita sa White House.

Dagdag pa ni Pangulong Trump, plano ng pamahalaan na ipagpatuloy ang ganitong misyon, kung saan target ang susunod na hakbang patungo sa Mars sa ilalim ng NASA Artemis program.

Advertisement

Nakapagtala ang Artemis II ng bagong rekord bilang pinakamalayong distansyang narating ng tao mula sa Daigdig—mahigit 400,000 kilometro—at nakapaghatid ng mga larawan mula sa lunar orbit kabilang ang tinatawag na “Earthset.”

Itinuturing ang matagumpay na misyon bilang mahalagang hakbang tungo sa Artemis III, na inaasahang magbabalik ng mga astronaut sa ibabaw ng buwan sa unang pagkakataon mula pa noong 1972.

Advertisement