Ipinahayag ni U.S. President Donald Trump na inatasan niya ang mga U.S. negotiators na huwag madaliin ang posibleng kasunduan sa Iran, sa gitna ng mga ulat na malapit nang maabot ang deal upang mapagaan ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa isang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na maayos at “constructive” ang takbo ng negosasyon, ngunit mas mainam umano na huwag itong madaliin dahil mas pabor sa Estados Unidos ang paglalaan ng panahon.
Ayon pa sa kanya, mananatili ang blockade ng Estados Unidos sa mga pantalan ng Iran hanggang sa makumpleto, mapirmahan, at mapagtibay ang anumang kasunduan.
Matatandaang ipinatupad ang blockade noong Abril 13 kasunod ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran sa Strait of Hormuz, na isa sa pinakamahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng Foreign Ministry ng Iran na si Esmaeil Baqaei na malapit na silang makabuo ng isang “framework agreement” na binubuo ng 14 na probisyon bilang bahagi ng peace talk.
Sa kabila nito, nananatiling may agam-agam ang ilang mambabatas at dating opisyal sa Washington dahil sa mga ulat ng mga detalye ng posibleng kasunduan.
Nauna nang sinabi ni Trump na halos tapos na ang kasunduan, ngunit kailangan pa rin ng pinal na agreement bago ito tuluyang maisakatuparan.














