
Muling iniuugnay si US President Donald Trump sa isang umano’y tangkang pagpatay matapos ang insidenteng nagdulot ng kaguluhan sa White House Correspondents’ Association dinner noong Sabado ng gabi sa Washington, D.C., kung saan mabilis siyang inilikas ng Secret Service.
Ayon sa mga ulat, isang armadong lalaki ang umano’y nagtangkang makapasok sa venue habang may dalang shotgun, handgun, at mga patalim. Agad itong hinarang ng mga security personnel at nauwi sa palitan ng putok bago siya naaresto.
Dahil sa insidente, nagkagulo ang nasa tinatayang 2,600 bisita sa event at ilang dumalo ang napahiga sa sahig habang inilikas si Trump at iba pang opisyal.
Sa kanyang pahayag matapos ang insidente, sinabi ni Trump na “kapag ikaw ay impactful, hinahabol ka nila,” habang binigyang-diin ang kanyang paniniwala na siya ay target dahil sa kanyang mga polisiya at ginagawa sa gobyerno.
Kasabay nito, isinusulong din niya ang pagtatayo ng bagong White House ballroom na aniya’y mas ligtas na venue para sa malalaking pagtitipon, kumpara sa mga dating lokasyon ng naturang event.
Ayon sa mga ulat, ang suspek ay mula California at umano’y naglakbay patungong Washington bago ang insidente, at may dalang manifesto na naglalaman ng galit sa administrasyon.
Samantala, nanawagan si Trump ng pagkakaisa at panibagong pagtutok sa mapayapang pagresolba ng mga hindi pagkakaunawaan kasunod ng kaguluhan, bago muling bumalik sa kanyang mensahe tungkol sa kanyang administrasyon at mga nagawa nito.













