Inanunsyo ng United Arab Emirates (UAE) na aalis na ito sa Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) at OPEC+ epektibo sa Mayo 1, 2026 bilang bahagi ng isang “strategic decision” para sa mas flexible na energy policy.
Ayon sa UAE Ministry of Energy, ang hakbang ay bahagi ng tinawag nitong “evolution of sector policies” na layong bigyan ang bansa ng mas malawak na kalayaan sa pagtugon sa galaw ng pandaigdigang merkado habang pinananatili ang stable at responsableng supply ng langis.
Sinabi ng UAE na isinagawa ang desisyon matapos ang masusing pagsusuri sa kanilang production policy at long-term capacity, alinsunod sa pambansang interes at plano nitong palakasin ang domestic energy investments.
Inaasahang magkakaroon ito ng malaking epekto sa pandaigdigang oil market, dahil ang UAE ay isa sa mga pangunahing producer ng langis sa loob ng OPEC.
Ayon sa ilang analyst, maaaring magpahina sa impluwensya ng OPEC ang pag-alis ng UAE, habang ang iba naman ay naniniwalang magbibigay ito ng mas malaking kalayaan sa bansa upang palakihin ang produksyon at iayon ito sa sariling economic strategy.
Sa kabila nito, iginiit ng UAE na mananatili itong committed sa global energy stability at patuloy na magiging maaasahang supplier sa pandaigdigang merkado ng langis.














