Usap-usapan ang umano’y pagkansela ng inaabangang kasal ng aktres na si Bea Alonzo at businessman na si Vincent Co matapos umanong hindi magkasundo sa ilang probisyon ng kanilang prenuptial agreement.

Ayon sa mga ulat, nagkaroon umano ng “stalemate” sa prenup ng dalawa na naging pangunahing dahilan ng pagkaantala ng wedding plans na una sanang isasagawa sa Spain. May ilang probisyon umano na itinuring na hindi patas ng panig ni Co, habang nanindigan naman si Alonzo sa mga kondisyon nito.

Hindi isinapubliko ang eksaktong laman ng prenup sa kahilingan ng isang source, habang patuloy na nananatiling tahimik ang magkabilang kampo hinggil sa isyu.

Iniulat din na may ilang kaanak at bisita na nakapag-book na ng biyahe papuntang Spain para sa kasal, ngunit kalaunan ay kinansela ang plano at ginamit na lamang ang mga naunang tiket para sa ibang lakad.

Advertisement

Matatandaang lumutang ang mga ulat na sa Spain gagawin ang kasal, kung saan matagal nang naninirahan si Alonzo mula pa noong 2022 matapos siyang magmay-ari ng property doon. Nauna ring lumabas ang mga espekulasyon na sa St. Peter the Apostle Parish sa Manila ang seremonya, ngunit kalaunan ay lumabas ang balitang isang private ceremony sa Europa ito isasagawa.

Si Vincent Co ay anak ng retail magnate na si Lucio Co at may mataas na posisyon sa ilang kumpanyang tulad ng Cosco Capital, Inc. at Puregold Price Club, Inc., habang si Alonzo ay nananatiling aktibo sa showbiz at negosyo.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa magkabilang panig hinggil sa umano’y pagkansela ng kasal.

Advertisement