Kinasuhan ng U.S. Department of Justice si dating Cuban President Raúl Castro sa Miami, Florida, kasama ang limang iba pa, kaugnay ng umano’y conspiracy to kill U.S. nationals at iba pang mabibigat na kaso kaugnay ng pagbagsak ng dalawang eroplano noong 1996.

Ayon sa kaso, inakusahan si Castro at mga opisyal ng Cuban military na nasa likod umano ng pagpapabagsak sa dalawang civilian aircraft ng grupong “Brothers to the Rescue,” na nagresulta sa pagkamatay ng apat na katao, kabilang ang tatlong Amerikano, habang nasa humanitarian mission sa Florida Straits.

Sinasaad din sa reklamo ang apat na bilang ng murder at dalawang bilang ng destruction of aircraft laban sa mga akusado. Si Castro, na 94 taong gulang na ngayon, ay nagsilbi noon bilang pinuno ng Cuban armed forces at umano’y nagbigay ng utos para pabagsakin ang mga eroplano.

Kabilang din sa mga akusado ang isang fighter pilot na umano’y direktang sangkot sa insidente.

Advertisement

Mariing kinondena ng kasalukuyang Pangulo ng Cuba na si Miguel Díaz-Canel at ng Cuban Foreign Ministry ang kaso, na tinawag nilang “political maneuver” at iginiit na ilegal ang naturang sakdal.

Ayon sa pamahalaan ng Cuba, ang pagbagsak ng mga eroplano ay ginawa umano bilang self-defense laban sa grupong “Brothers to the Rescue,” na tinuturing nilang banta sa seguridad ng bansa.

Ikinakabit din ng Havana ang hakbang ng U.S. sa mas umiigting na kampanya ng administrasyon ni U.S. President Donald Trump laban sa pamahalaang komunista ng Cuba.

Advertisement