Ipinahayag ng Estados Unidos na natapos na ang kanilang opensibang operasyon laban sa Iran, kasunod ng mahigit isang buwang umiiral na mahina at pansamantalang tigil-putukan, ayon kay US Secretary of State Marco Rubio.
Ayon kay Rubio, natapos na ang operasyon na tinawag na “Epic Fury,” at sinabi niyang naabot na ng US ang mga layunin nito sa digmaan. Gayunman, nilinaw niya na mananatili ang Amerika sa depensibong posisyon at walang gagawing pag-atake kung hindi sila uunahin.
Sinabi rin ng US administration sa Kongreso na itinuturing nang tapos ang digmaan dahil sa ceasefire, dahilan upang maiwasan ang obligasyong humingi ng pormal na awtorisasyon para sa operasyon na lalampas sa 60 araw.
Samantala, nagbanta si US President Donald Trump ng posibleng mabigat na ganting aksyon laban sa Iran sakaling atakihin ang mga barko ng Amerika, at inilunsad din ang tinawag na “Project Freedom” upang tulungan ang mga sasakyang pandagat na makalabas sa Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang pandagat sa Gulf.
Ayon sa ulat, nagkaroon ng tensyon matapos magpalitan ng akusasyon ang US at Iran kaugnay ng kontrol sa Strait of Hormuz, kung saan nauna umanong nagsagawa ng military strikes ang US at Israel na ikinasawi ng ilang matataas na opisyal ng Iran at nagdulot ng malawakang pinsala sa imprastraktura.
Sinabi rin ni Rubio na ang operasyon ay “defensive” lamang at iginiit na walang magaganap na putok hangga’t hindi sila inaatake.
Sa kabila ng deklarasyon ng ceasefire na inihayag noong Abril 8, nananatiling tigil ang pormal na negosasyon sa pagitan ng US at Iran, habang patuloy ang tensyon sa rehiyon.












