Nagpasya ang isang federal judge sa Estados Unidos na tanging Kongreso lamang ang may kapangyarihang magpalit ng pangalan ng Kennedy Center for the Performing Arts at magsagawa ng malalaking renovation dito, taliwas sa plano ng administrasyon ni US President Donald Trump.

Sa desisyon ni US District Judge Christopher Cooper, sinabi nitong malinaw sa batas na ipinangalan ang gusali kay dating US President John F. Kennedy at hindi ito maaaring baguhin ng board lamang.

Ayon pa sa hukom, Kongreso lamang ang maaaring magpalit ng pangalan ng Kennedy Center dahil ito rin ang nagbigay ng opisyal nitong pangalan.

Kinuwestiyon din ng korte ang naging desisyon ng board na pansamantalang isara ang venue para sa renovation, na ayon sa hukom ay tila “preordained” o matagal nang napagdesisyunan nang hindi isinasaalang-alang ang legal na obligasyon nito.

Advertisement

Kasunod nito, inanunsyo ni Trump na kanselado na ang plano niyang renovation at ibabalik na lamang sa Kongreso ang kontrol sa nasabing performing arts center.

Samantala, binatikos naman ni Trump ang hukom sa pamamagitan ng Truth Social at sinabing dapat umano itong “mahiya” sa naging desisyon nito.

Advertisement