Inihayag ni U.S. President Donald Trump na tinamaan ng U.S. Navy destroyer ang isang Iranian-flagged cargo ship matapos umano itong tumangging sumunod sa utos na huminto sa Gulf of Oman.
Sa isang post, sinabi ni Trump na binalaan muna ng U.S. Navy ang barko ngunit hindi ito sumunod sa utos na huminto habang umano’y nagpapatupad ng naval blockade ang Estados Unidos.
Ayon sa kanya, pinaputukan ng guided missile destroyer na USS Spruance ang cargo ship na “TOUSKA,” na tumama sa engine room nito. Aniya, nasa kustodiya na ngayon ng U.S. Marines ang naturang barko.
“The U.S. Navy Guided Missile Destroyer USS SPRUANCE intercepted the TOUSKA in the Gulf of Oman… so our Navy ship stopped them right in their tracks,” ani Trump.
Ang insidente ay kasunod ng naunang akusasyon ni Trump na nilabag ng Iran ang ceasefire agreement matapos umano ang pagpapaputok sa Strait of Hormuz.
Samantala, iginiit ng Iran na muli nitong isinara ang naturang rutang pandagat para sa karamihan ng mga barko at inakusahan ang Estados Unidos ng paglabag sa tiwala sa pagitan ng dalawang bansa.
Maalalang muling isinara ng Iran ang Strait of Hormuz sa lahat ng cargo ship dahil umano sa paglabag ng Amerika sa kanilang kasunduan, habang patuloy na tumataas ang tensyon sa rehiyon.














