Inamin ni US Vice President JD Vance na nananatiling malalim ang mistrust sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, ngunit sinabi niyang may positibong pag-usad sa negosasyon upang wakasan ang digmaan sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Vance, hindi madaling maresolba ang matagal nang alitan sa pagitan ng Washington at Tehran, ngunit may indikasyon umano na nais pa rin ng mga Iranian negotiator na makipagkasundo sa US.

Sinabi rin niya na “very good” ang kanyang pakiramdam sa kasalukuyang estado ng usapan, na kasalukuyang isinusulong sa Pakistan kung saan siya mismo ay nakibahagi sa nakaraang mga pag-uusap.

Nauna nang sinabi ni US President Donald Trump na posibleng maipagpatuloy ang peace talks sa loob ng susunod na dalawang araw, kasunod ng pagbagsak ng weekend negotiations na nauwi sa pagpapatupad ng blockade ng US sa mga Iranian port.

Advertisement

Patuloy ring umiiral ang isang dalawang linggong ceasefire sa pagitan ng US at Iran, bagama’t nananatili itong marupok at may natitira pang isang linggo.

Ang sigalot ay nagsimula noong Pebrero 28, nang magsagawa ng opensiba ang US at Israel laban sa Iran, na sinundan ng mga ganting atake ng Tehran sa Israel at mga bansang Gulf na may presensya ng US forces.

Sa kabila ng patuloy na tensyon, umaasa ang mga opisyal na ang nagpapatuloy na diplomasya ay magbubukas ng daan tungo sa mas pangmatagalang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.

Advertisement