Tinapos ng Utah Jazz ang siyam na sunod na panalo ng Los Angeles Lakers matapos magwagi sa kanilang paghaharap, 109-97.
Nanguna para sa Jazz si Keyonte George na nagtala ng 30 puntos, habang nag-ambag naman si Ace Bailey ng 19 puntos, kabilang ang 10 na naitala sa fourth quarter.
Samantala, kumamada si Luka Doncic ng 29 puntos para sa Lakers, ngunit nagtala rin ito ng siyam na turnovers at dalawang three-pointers lamang mula sa 12 pagtatangka. Dahil dito, natigil din ang kaniyang 11 sunod na laro na may hindi bababa sa 30 puntos.
Naging dikdikan ang laban sa unang tatlong quarter, ngunit nagpakawala ang Utah ng 15 sunod-sunod na puntos sa huling yugto upang makuha ang kontrol at tuluyang masiguro ang panalo.
Sa susunod na laro, haharapin ng Jazz ang Phoenix Suns sa Biyernes, habang makakatapat naman ng Lakers ang Sacramento Kings.










