Nagdeklara ng krisis sa tagtuyot ang Fiji at Tonga sa South Pacific bunsod ng matinding epekto ng El Niño na nagdulot ng malaking kakulangan sa suplay ng tubig.

Ayon sa pamahalaan ng Fiji, umabot na sa kritikal na antas ang epekto ng matagalang tagtuyot kaya nagdeklara ito ng nationwide disaster.

Sinabi ni Fiji Prime Minister Sitiveni Rabuka na labis na nababahala ang mga residente sa kakulangan ng tubig at epekto nito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Dahil dito, nagpapadala ang mga awtoridad ng dose-dosenang truck na may dalang tubig sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng tagtuyot.

Advertisement

Samantala, nagdeklara rin ang Tonga ng 27 araw na state of emergency dahil sa lumalalang kakulangan ng suplay ng tubig.

Ayon kay Acting Prime Minister Viliami Latu, inaasahang mapapabilis ng deklarasyon ang pagtugon ng mga emergency services sa pangangailangan ng mga apektadong residente.

Nagbabala rin siya sa malawakang epekto ng tagtuyot sa mga mamamayan, pinagkukunan ng tubig, agrikultura, alagang hayop at kalusugan ng publiko.

Advertisement