Tinawag na “strange” ng senior Vatican official na si Pietro Parolin ang umano’y mapanirang pahayag ni US President Donald Trump laban kay Pope Leo, kasabay ng pag-igting ng tensyon sa gitna ng isyu ng digmaan sa Iran.

Ayon kay Cardinal Pietro Parolin, tila “kakaiba” ang mga banat ni Pangulong Donald Trump kay Pope Leo, ngunit tumanggi siyang magbigay ng personal na paghuhusga kaugnay nito.

Ang pahayag ay ginawa sa harap ng mga mamamahayag sa isang event malapit sa Vatican, isang araw bago ang nakatakdang pagpupulong ng Pope kay US Secretary of State Marco Rubio.

Si Pope Leo ay naging tahasang kritiko ng US-Israeli war sa Iran at ng mahigpit na immigration policies ng Trump administration, dahilan upang makuha niya ang matitinding batikos mula sa Pangulo ng Estados Unidos sa mga nakalipas na linggo.

Advertisement

Ayon sa US ambassador sa Vatican, inaasahang magiging “frank” o diretsahan ang pag-uusap sa pagitan ng Pope at ni Marco Rubio, ang unang kilalang high-level meeting ng isang Trump cabinet official sa Papa sa loob ng halos isang taon.

Sinabi rin ni Cardinal Parolin na ang naturang pagbisita ay inisyatiba ng Estados Unidos at inaasahang tatalakayin ang mga kasalukuyang isyu sa mundo, kabilang ang patuloy na tensyon sa Middle East.

Nauna rito, inakusahan ni Donald Trump si Pope Leo na mali umano ang posisyon sa isyu ng Iran at sinabing “pinapanganib” ng Papa ang mga Katoliko, pahayag na agad pinabulaanan ng Vatican.

Iginiit naman ni Pope Leo na ang kanyang paninindigan ay nakabatay sa Christian message of peace, at mariing itinanggi ang paratang na sinusuportahan niya ang nuclear weapons, na itinuturing ng Simbahang Katolika na imoral.

Advertisement