Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 41-anyos na babaeng Vietnamese matapos matuklasang gumagamit ng pasaporte ng Pilipinas na may pekeng pagkakakilanlan sa NAIA Terminal 1.

Nakatakda sanang bumiyahe ang babae patungong Ho Chi Minh City, Vietnam gamit ang pasaporteng nakapangalan kay Mary Ann Altarejos Antolin.

Sa isinagawang pagsusuri ng mga opisyal ng imigrasyon, napag-alamang Huynh Thị Loan ang tunay nitong pangalan at isa itong mamamayan ng Vietnam na ipinanganak sa naturang bansa.

Nagduda ang mga tauhan ng BI nang hindi ito makapagsalita o makaunawa ng Tagalog at hindi rin makapagbigay ng sapat na detalye tungkol sa sinasabi nitong pinagmulan bilang Pilipino.

Advertisement

Ayon sa BI, bahagi ang pagkakaaresto sa kanilang kampanya laban sa “Phantom Citizenship” scheme, kung saan gumagamit ang mga dayuhan ng huwad na pagkakakilanlang Pilipino upang makuha ang mga benepisyo at pribilehiyo ng pagiging mamamayan ng bansa.

Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang suspek habang isinasagawa ang proseso para sa kanyang deportasyon.

Advertisement