Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang administrasyong Marcos kaugnay ng tumataas na utang ng bansa at isyu ng unemployment, at sinabing nawawalan umano ng pokus ang pamahalaan sa tamang pamamahala.
Sa harap ng mga supporters sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Duterte na dapat umanong tutukan ng administrasyon, lalo na ng Pangulo, ang trabaho nito sa halip na magbigay-pansin sa mga kritisismo at isyung pampulitika.
Ang pahayag ng Bise Presidente ay kasunod ng ulat ng Bureau of the Treasury na umabot na sa ₱18.49 trilyon ang outstanding debt ng bansa noong Marso, mas mataas kumpara sa ₱18.16 trilyon noong Pebrero.
Samantala, iniulat naman ng Philippine Statistics Authority na nasa 2.58 milyon ang bilang ng mga walang trabaho noong Marso, bahagyang mababa kumpara sa naitalang 2.66 milyon noong Pebrero.
Ayon kay Duterte, kapag hindi umano nakatutok ang pamahalaan sa trabaho nito ay tumataas ang unemployment habang patuloy ding lumalaki ang utang ng bansa.
Binatikos din niya ang umano’y pagsupil sa freedom of expression matapos tanungin tungkol sa mga planong ipatawag o i-subpoena ang ilang personalidad na sumusuporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, dapat asahan na ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na ng Pangulo, ang mga kritisismo mula sa mamamayan dahil bahagi ito ng kanilang tungkulin bilang public officials.
Kasabay nito, muling pinuna ni Duterte ang impeachment efforts laban sa kanya at sinabing marami umanong kumikita gamit ang kanyang pangalan sa politika.
Nagbigay rin siya ng komento laban kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro at sinabing hindi umano dapat seryosohin ang mga pahayag nito.
Sa kabilang banda, pinuri naman ni Duterte ang transport system ng Netherlands at sinabing maaaring matuto rito ang Pilipinas, lalo na sa pagpapabuti ng mobility, commerce, at public infrastructure.














