Hinamon ni Vice President Sara Duterte sina dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating kongresista Zaldy Co na “sabihin ang totoo” kaugnay ng mga alegasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Sa harap ng mga supporters at overseas Filipinos sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Duterte na kung tunay umanong interesado sina Romualdez at Co sa hustisya para sa bayan, dapat nilang ilahad ang katotohanan.

Ayon pa sa Bise Presidente, magkaiba umano ang mga pahayag nina Romualdez at Co tungkol sa kontrobersiya.

Matatandaang nadawit ang pangalan ng dalawa sa umano’y anomalya sa flood control projects, ngunit kapwa nila itinanggi ang mga paratang.

Advertisement

Samantala, tila binalewala rin ni Duterte ang pahayag ng ilang mambabatas na may mahigit 200 miyembro ng Kamara na umano’y boboto pabor sa impeachment complaint laban sa kanya.

“Madami ang pumipera gamit ang pangalan ko,” pahayag ng Bise Presidente.

Nagbigay rin siya ng komento hinggil sa mga pag-aresto sa ilang social media personalities dahil sa umano’y pagpapakalat ng fake news.

Ayon kay Duterte, masyado umanong “sensitive, insecure at takot” ang ilang personalidad na naaapektuhan ng opinyon ng ordinaryong mamamayan.

Nasa The Hague si Duterte upang bisitahin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte at makipagkita sa mga supporters na nagtipon sa Netherlands.

Advertisement