Sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi siya kasama o kinonsulta ng grupo ng mga abogado na naghain ng petisyon sa Supreme Court noong Marso 27 na humihiling na pigilan ang impeachment proceedings laban sa kanya sa House of Representatives.

Ayon sa bise presidente, iniwan na niya ang isyu sa kanyang mga abogado at hindi siya kasali sa naturang legal na hakbang. Nagpasalamat siya sa mga independent lawyers na naghain ng petisyon, kahit hindi sila bahagi ng kanyang opisyal na legal defense team, dahil sa kanilang suporta sa Konstitusyon at pagtutol sa umano’y maling paggamit ng impeachment process.

Ang petisyon, na pinamumunuan ni Atty. Israelito Torreon, ay humihiling sa Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction upang ihinto ang anumang aksyon ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints.

Iginiit ng mga petitioner na may procedural at constitutional issues sa pagproseso ng mga reklamo, kabilang ang paulit-ulit na pag-refile at pag-endorso ng mga ito. Ayon sa kanila, dapat agad ibasura ang mga impeachment complaint na kulang sa pormalidad at hindi na dapat ipagpatuloy ang mga pagdinig o deliberasyon kung may depekto pa lamang sa simula.

Advertisement
Advertisement