Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang pahayag ng ilang mambabatas na tila kumpiyansa na matutuloy ang kanyang impeachment, at iginiit na naiiba ang bigat ng opinyon kapag mula sa mga opisyal ng Kongreso o Senado.

Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands nitong Lunes, sinabi ni VP Sara Duterte na kung ordinaryong mamamayan lamang ang nagpapahayag ng opinyon tungkol sa impeachment, ay maaari itong palampasin bilang personal na pananaw.

“Kung ordinary individuals lang naman ‘yan… pabayaan na natin ‘yan,” aniya, sabay diin na ito ay bahagi lamang ng damdamin ng tao na hindi na mababago.

Ngunit para sa Bise Presidente, nagiging mas mabigat ang isyu kapag mga kongresista o senador ang nagsasabi ng ganitong kumpiyansa. “Bakit sobrang sigurado ka na tapos na ito?” aniya.

Advertisement

Tumutukoy siya sa mga social media post at pahayag ng ilang mambabatas na nagsasabing magpapatuloy ang impeachment process sa Senado.

Hindi naman siya nagbigay ng direktang komento sa pahayag ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na hindi mahirap maabot ang 106 boto na kailangan para ma-impeach siya, at sinabi lamang na hindi niya alam ang batayan ng mga ito.

Samantala, noong Lunes ay inaprubahan ng House committee on justice ang committee report na naglalaman ng articles of impeachment laban sa Bise Presidente, na susunod na isusumite sa plenaryo ng Kamara.

Kabilang sa mga paratang laban kay Duterte ang umano’y betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds, pagbabanta umano sa Pangulo at kanyang pamilya, at hindi maipaliwanag na yaman—mga akusasyong kanyang mariing itinanggi.

Advertisement