Nagbabala si Vice President Sara Duterte sa publiko hinggil sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang siya sa isang messaging platform at nananamantala sa mga mamamayan.

Sa isang advisory na inilabas sa kanyang social media account at Office of the Vice President, hinikayat ni Duterte ang publiko na maging mapagmatyag sa mga kahina-hinalang mensahe mula sa mga nagpapanggap na siya.

Kalakip ng babala ang screenshot ng isang usapan kung saan ang nagpapanggap ay humihingi ng listahan ng mga kongresistang umano’y sumusuporta sa Bise Presidente.

Ayon kay Duterte, hindi siya humihingi ng anumang pabor mula sa publiko, lalo na pagdating sa pera o personal na impormasyon.

Advertisement

“Tandaan: huwag makipag-ugnayan, magbigay ng personal na impormasyon, at lalong-lalo na huwag magpadala ng pera. Ako ay hinding-hindi humihingi ng anumang pabor, pinansyal man o hindi, sa publiko,” aniya.

Dagdag pa niya, mahalagang manatiling mapagmatyag ang publiko laban sa mga mapanlinlang at mapagsamantalang indibidwal, lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.

“Muli, pinapaalalahanan ko ang publiko na mag-ingat laban sa mga mapagsamantala at mapanlinlang, lalo na ngayong may kinakaharap tayong krisis,” dagdag pa niya.

Advertisement