Nananatiling nangunguna si Vice President Sara Duterte na may 46% sa hypothetical 2028 presidential race, habang nakakuha naman si Naga City Mayor Leni Robredo ng 35%, ayon sa pinakabagong OCTA Research survey na inilabas ngayong Lunes.
Batay sa Tugon ng Masa (TNM) Q1 2026 non-commissioned survey ng OCTA Research na isinagawa mula Marso 19 hanggang 25, lumabas na 19% ng mga respondent ang nananatiling undecided kung sino ang kanilang iboboto sa 2028 presidential election.
Ayon sa OCTA, bagama’t nananatiling may lamang si Duterte sa pambansang antas, lumiit ang kanyang kalamangan kay Robredo kumpara sa mga nakaraang survey.
Sa regional breakdown, nangunguna si Duterte sa Mindanao na may 88% at Visayas na may 53%, habang mas mataas si Robredo sa National Capital Region na may 52% at Balance Luzon na may 47%. Ayon sa OCTA, mas vote-dense at strategic ang mga lugar kung saan malakas ang suporta kay Robredo.
Sa socioeconomic classes, nanguna si Duterte sa lahat ng grupo: Class E (56%), Class ABC (46%), at Class D (44%). Si Robredo naman ay mas mataas sa Class ABC (39%) at Class D (36%), ngunit mas mababa sa lower-income voters.
Binigyang-diin ng OCTA na ang 19% undecided ay maaaring maging mahalagang salik sa magiging resulta ng halalan dahil nananatiling bukas ang malaking bahagi ng botante sa panghihikayat.
Ayon sa OCTA, ang resulta ay isang snapshot lamang ng kasalukuyang sentimyento ng publiko at hindi pa dapat ituring na prediksyon ng aktwal na resulta ng 2028 halalan.














