Walang ipinakitang negatibong reaksyon ayon sa defense team si Vice President Sara Duterte matapos ang ikalawang araw ng kanyang Senate impeachment trial noong Martes.
Sa isang press briefing sa Senado nitong Miyerkules, sinabi ng tagapagsalita ng defense team na si Atty. Michael Poa na nakausap niya ang Bise Presidente noong Martes ng gabi. Aniya, wala itong nabanggit na anumang hindi magandang reaksyon kaugnay ng naging takbo ng pagdinig.
Dagdag ni Poa, patuloy na nagpapasalamat si Duterte sa mga miyembro ng kanyang defense team para sa kanilang ginagampanang tungkulin bilang kanyang mga abogado.
Ipinaliwanag din ni Poa na bilang isa ring abogado, nauunawaan ni Vice President Duterte ang mga proseso at mga pangyayaring nagaganap sa loob ng impeachment trial.
Ayon pa sa kanya, wala ring naging isyu ang Bise Presidente kaugnay ng ikalawang araw ng pagdinig.
Samantala, natapos na rin ngayong Miyerkules ang ikatlong araw ng impeachment trial, kung saan tinalakay ng prosecution at defense panels ang Article IV ng Articles of Impeachment. Ang naturang artikulo ay tumutukoy sa mga alegasyon ng pagbabanta umano ni Vice President Sara Duterte sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Leyte First District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.













