Walang naitatalang kumpirmadong kaso ng Andes hantavirus sa United States, ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC), kahit patuloy na minomonitor ang 41 katao na posibleng na-expose sa outbreak na kumitil sa tatlong pasahero ng isang luxury cruise ship.
Ayon sa CDC, kabilang sa 41 indibidwal na minomonitor ang mga pasaherong nakauwi na sa U.S. bago pa matukoy ang outbreak, gayundin ang mga posibleng na-expose sa mga biyahe kung saan may symptomatic case.
May 18 sa mga ito ang nasa quarantine sa Nebraska at Atlanta, habang ang iba ay pinapayuhang manatili sa kanilang mga tahanan at umiwas sa pakikipag-ugnayan sa iba sa loob ng anim na linggong monitoring period.
Ayon kay Dr. David Fitter, incident manager ng CDC hantavirus response, wala pa silang natutukoy na kumpirmadong kaso sa Estados Unidos.
Sinabi rin ng University of Nebraska Medical Center na isang pasahero na unang inilagay sa biocontainment unit ang nakalipat na sa quarantine unit matapos ma-clear sa kondisyon.
Ang outbreak ng Andes hantavirus ay naiulat noong unang bahagi ng Mayo sakay ng MV Hondius, isang luxury expedition cruise ship. Kumalat ito sa ilang pasahero at nauwi sa pagkamatay ng isang Dutch couple at isang German national.
Ayon sa World Health Organization, inaasahan ang posibleng karagdagang kaso kaugnay ng cluster ngunit nilinaw na hindi ito katulad ng COVID-19 at hindi itinuturing na banta ng pandemya.














