Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi nagpapatupad ng price freeze ang pamahalaan sa kabila ng state of national energy emergency, kasabay ng pagtiyak na nananatiling sapat ang suplay at matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon sa DTI, nananatiling kontrolado ang presyo ng essential goods kahit na ipinatupad ang Executive Order (EO) No. 110 na naglalayong protektahan ang lokal na suplay ng langis sa gitna ng tensiyon sa Gitnang Silangan.
Kasabay nito, in-activate ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food at Transport (UPLIFT) Program upang magbigay ng targeted subsidies sa mga sektor ng transportasyon at agrikultura.
Ipinaliwanag ng ahensiya na inaagapan na ng pamahalaan ang posibleng pagtaas ng presyo sa pamamagitan ng pagpapanatiling stable ng halaga ng mga produktong dinadala sa merkado.
Nakikipag-ugnayan din ang DTI sa pribadong sektor, kabilang ang 21 pangunahing manufacturers ng essential goods gaya ng canned sardines, tinapay, bottled water, instant noodles at kape. Nangako ang mga ito na hindi magtataas ng presyo sa loob ng 30 hanggang 60 araw.
Dagdag pa ng DTI, sapat ang imbentaryo ng mga pangunahing produkto batay sa kanilang monitoring, kaya’t walang indikasyon ng kakulangan na maaaring magdulot ng artificial price hike.
Patuloy rin ang ahensiya sa mahigpit na pagbabantay sa Suggested Retail Price (SRP). Nagbabala ito na ang sinumang retailer na mapatunayang nagsasagawa ng profiteering, labis na pagtaas ng presyo nang higit sa 10% nang walang sapat na dahilan, o hoarding ay papatawan ng kaukulang parusa.













