Patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan at nasa ibaba na ito ng minimum operating level, dahilan upang bawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon.

Batay sa datos ng PAGASA ngayong Sabado, nasa 178.21 metro ang water level ng Angat Dam alas-8 ng umaga, mas mababa kumpara sa 178.52 metro noong Biyernes. Ayon sa NWRB, mababa na ito sa minimum operating level na 180 metro.

Sinabi ni NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr. na bagama’t “manageable” pa ang sitwasyon, kinakailangan ang masusing monitoring at maagap na pamamahala dahil patuloy ang pagbaba ng tubig sa dam.

Ipinaliwanag niya na prayoridad pa rin ng pamahalaan ang domestic water supply para sa Metro Manila at mga karatig-lugar. Gayunman, dahil mababa na ang lebel ng tubig, kinailangan nang bawasan ang water allocation para sa irigasyon at posible umanong suspendihin ito sa susunod na linggo.

Advertisement

Ayon kay David, hindi naman inaasahang malaki ang magiging epekto nito sa agrikultura dahil panahon na ng anihan sa maraming lugar.

Nagbabala rin ang NWRB hinggil sa posibleng epekto ng El Niño, na maaaring magdulot ng mas kaunting pag-ulan at magpahirap sa pagre-recover ng lebel ng tubig sa mga dam, partikular sa Angat Dam.

Dahil dito, hinikayat ng ahensya ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig. Tiniyak naman ng NWRB na sapat pa ang suplay ng tubig ngayong Mayo at wala pang inaasahang malaking water interruption.

Bilang paghahanda, nagpatupad na rin ang ahensya ng contingency measures tulad ng paggamit ng deep wells bilang alternatibong pinagkukunan ng tubig kung kinakailangan, bagama’t hindi hinihikayat ang labis na paggamit nito sa mga kabahayan dahil manipis na rin ang groundwater supply sa Metro Manila.

Advertisement