Ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na si dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co ay hinarang sa hangganan ng Germany matapos pumasok mula sa Czech Republic bago muling ibinalik sa mga awtoridad ng Czech at kasalukuyang nasa kustodiya.

Sa isang update sa kanyang official X account, sinabi ni Marcos na batay sa pinakahuling impormasyon, pinigil si Co sa German border matapos umanong makapasok mula sa Czech Republic, at kalaunan ay hindi pinayagang makapasok at ibinalik sa Czech authorities.

“He was denied entry and returned to Czech authorities, where he remains in custody,” ayon sa Pangulo, na nagsabing tuloy ang koordinasyon ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Czech Republic.

Nauna rito, inanunsyo ng Pangulo nitong Huwebes ng gabi ang pagkakaaresto at pagkakadetine ni Co sa Prague, kasunod ng mga ulat ng umano’y paglabas nito ng bansa para magpagamot at hindi na pagbabalik sa Pilipinas habang iniimbestigahan ang mga anomalya sa flood control projects.

Advertisement

Si Co ay tinukoy bilang sentrong personalidad sa kontrobersiya kaugnay ng mga proyekto ng flood control, kabilang ang mga sinasabing substandard o hindi natapos na imprastraktura na iniugnay sa mga kontratang umabot sa bilyon-bilyong piso.

Ayon sa mga ulat, isinama rin sa imbestigasyon ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nag-uugnay kay Co sa umano’y kickbacks mula sa mga proyekto.

Nauna nang pinutol ng House of Representatives ang kanyang travel authority at kinansela rin ang kanyang Philippine passport, bagama’t nakalabas pa rin umano ito ng bansa sa pamamagitan ng ibang travel documents at residency status sa Europa.

Noong Pebrero 2026, idineklara rin ng Sandiganbayan si Co bilang isang fugitive kaugnay ng mga kasong graft at malversation.

Advertisement