Tiniyak ng isang Czech migration law expert na malabong maibalik sa Pilipinas sa loob ng tatlong linggo si dating Ako Bicol party-list representative Elizaldy Co dahil sa masalimuot na legal na proseso sa Czech Republic.
Sinabi ng Czech migration law expert na kailangang dumaan muna sa administrative o criminal procedures sa Czech Republic bago ma-deport o ma-extradite si Co, na kasalukuyang nasa immigration detention matapos maaresto sa Prague.
Hiwalay umanong titingnan ng Czech authorities ang immigration case ni Co at ang mga kasong kinakaharap niya sa Pilipinas kaugnay ng umano’y corruption sa flood control projects.
Ayon sa eksperto, maaaring tumagal ng ilang buwan hanggang isang taon ang detention, na may paunang review matapos ang 90 araw at may posibilidad pa ng apela sa korte.
Kung hihilingin ng Pilipinas ang extradition, kailangan pang dumaan ito sa pormal na proseso, kabilang ang pagsusuri kung ang mga kaso ay krimen din sa ilalim ng Czech law at kung mapapangalagaan ang karapatan ng akusado.
Posible rin umanong mag-aplay ng asylum si Co, na maaaring magpatagal pa ng proseso dahil sa mga apela at karagdagang pagdinig.
Giit ng eksperto, walang paraan para agad na maibalik si Co sa loob ng ilang linggo dahil kailangan munang maglabas ng pinal na desisyon ang mga korte sa Czech Republic.
Samantala, inaasahang makikipag-ugnayan sa Czech authorities ang isang high-level Philippine delegation mula sa Department of Justice.
Gayunman, binigyang-diin na ang magiging desisyon ay nakasalalay pa rin sa independiyenteng hukuman ng Czech Republic at sa umiiral nitong legal na proseso.













