Kinumpirma ng Malacañang na naghain ng asylum petition sa France si dating kongresista Zaldy Co, isang araw matapos sabihin ng Czech authorities na wala na ito sa kanilang kustodiya.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, batay sa impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), may “highly reliable information” na si Co ay may pending petition para sa political asylum sa France.

Sinabi rin ng Palasyo na hinihiling umano ang paglipat ni Co sa ilalim ng hurisdiksyon ng French authorities, at kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng mga ito habang hinihintay ang beripikasyon ng ibang European missions.

Dagdag pa ni Castro, maaaring makagalaw si Co sa loob ng Schengen area habang hinihintay ang desisyon sa kanyang asylum application, alinsunod sa umiiral na patakaran sa Europa.

Advertisement

Nauna rito, iniulat ng Czech Republic na wala na si Co sa kanilang kustodiya matapos siyang unang iulat na nahuli dahil sa dokumentation issues. Kinumpirma rin ito ni Justice Secretary Fredderick Vida sa isang briefing.

Ayon kay Vida, humingi sila ng impormasyon sa kinaroroonan ni Co ngunit hindi ito naibigay dahil sa Schengen rules at data privacy regulations sa Europa.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si Co ay nasa kustodiya ng Czech authorities, ngunit kalaunan ay nagbago ang sitwasyon matapos ang kanyang pagkawala sa kanilang hurisdiksyon.

Sinabi rin ng Palasyo na patuloy na makikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga bansang Europeo sa pamamagitan ng legal at diplomatic channels upang maibalik si Co sa Pilipinas upang harapin ang mga kasong graft at malversation.

Si Co ay nahaharap sa mga kaso kaugnay ng umano’y anomalous flood control projects na inihain ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan.

Advertisement