Ibinunyag ni Ramil Madriaga, na nagpakilalang dating aide ni Vice President Sara Duterte, sa pagdinig ng House Committee on Justice na umano’y personal niyang naipamahagi ang ₱125 milyong confidential funds sa tatlong lokasyon sa loob lamang ng 24 oras batay sa utos ng Pangalawang Pangulo.
Sa kanyang supplemental affidavit at testimonya, sinabi ni Madriaga na noong Disyembre 20, 2022, inutusan umano siya ni Duterte na makipag-ugnayan kay Dennis Nolasco para sa paghahatid ng pera sa San Pablo, Laguna, isang establisimyento sa Quezon City, at sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Madriaga, nagtungo sila sa Department of Education Central Office sa Pasig kung saan kanilang kinuha ang apat na bag na umano’y naglalaman ng tig-₱30 milyon hanggang ₱35 milyon bawat isa, kasama ang Special Disbursement Officer na si Gina Acosta.
Sinabi niyang ang mga bag ay ipinamamahagi gamit ang iba’t ibang sasakyan at dinala sa magkakahiwalay na lokasyon, kabilang ang Cabuyao, Laguna at isang comedy bar sa Quezon City, habang ang natitirang halaga ay iniwan sa parking lot ng Ombudsman.
Dagdag pa niya, may mga nauna na rin umano siyang paghahatid ng pera sa Ombudsman officials, kabilang si Samuel Martires at Assistant Special Prosecutor na si Ryan Quilala.
Iginiit ni Madriaga na taliwas sa ulat na nagamit ang ₱125 milyon sa loob ng 11 araw, siya mismo ang nagdisburse nito sa loob lamang ng isang araw.
Sa gitna ng kanyang testimonya, naging emosyonal si Madriaga na nagresulta sa pansamantalang pagsuspinde ng pagdinig ni Gerville Luistro.
Ang usapin ng confidential funds ay unang lumutang noong Setyembre 2023 matapos ibunyag ng Commission on Audit sa deliberasyon ng pambansang badyet na ginamit umano ng Office of the Vice President ang ₱125 milyon sa loob ng 11 araw.
Kasalukuyang bahagi ito ng impeachment complaints laban kay Vice President Duterte, na sumasaklaw sa umano’y maling paggamit ng kabuuang ₱612.5 milyong confidential funds.
Nauna nang naglabas ng notice of disallowance ang COA sa ₱73 milyon mula sa nasabing pondo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga mambabatas.














