BOMBO NAGA- Sugatan ang isang construction worker matapos pagtatagain ng kapwa construction worker sa Purok Sampaguita 1 Belair Subdivision, Barangay 10, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Joel Carandang, 33-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang parehong nakainom na biktima at suspek na si Juancho Tarronas, 57-anyos.

Umuwi umano si Tarronas at kumuha ng bolo at muling kinompronta si Carandang na kalauna’y nauwi naman sa pananaga ng suspek sa biktima.

Dahil dito, nagtamo ng tama sa kanang binti ang biktima na agad naman na dinala sa ospital para malapatan ng lunas.

Samantala, kaagad naman na nadakip ng mga awtoridad ang suspek at hinahandan na ang kasong isasampa laban dito.