NAGA CITY – Sugatan ang isang magsasaka matapos na pagtatagain sa Basud Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Orlando Bigata, 32-anyos, residente ng Purok 1, Barangay Pagsangahan, sa nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek na kinilalang si Reyman Jikere San Rafael, 42-anyos ng magkaroon ng mainit na diskusyon ang mga ito.

Dahil dito, bigla na lamang umanong umalis ang suspek at pagbalik nito’y armado na ito ng sundang at tinaga ang biktima sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo at dibdib.

Matapos ang nasabing insidente, agad naman na tumakas ang suspek dala ang ginamit nitong sundang.

Agad namang isinugod sa ospital ang biktima para sa asistensya medikal.

Samantala, boluntaryo namang sumuko sa himpilan ng Basud Police Station ang nasabing suspek.