NAGA CITY – Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang namatay na si Romel Mesa, 23-anyos residente ng Purok 3, Barangay Calabasa sa naturang bayan habang ang mga nasugatan naman ay sina Dexter Briña, 41-anyos; Lovely Roll, 27-anyos at Rowelyn Mesa, 22-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na habang minamaneho ni Briña ang kaniyang motorsiklo angkas si Roll mula sa sentro ng naturang bayan, dito na nito aksidenteng nakasalpukan ang motorsiklo na minamaneho naman ni Romel angkas ang asawang si Rowelyn mula naman sa kabilang direksyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa impact ng salpukan ng dalawang motorsiklo, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang naturang mga indibidwal na agad namang dinala sa ospital.

Ngunit sa kasamaang-palad, hindi na umabot ng buhay sa ospital si Romel at idieklarang dead on arrival ng mga doktor habang nagpapagaling pa rin sa ospital ang asawa nito na si Rowelyn gayundin sina Briña at Roll.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.