Tinatayang 100 Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Provincial Office ng Camarines Sur ang target na mairehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) o National ID bilang bahagi ng pagsusulong sa kanilang paghahanda sa muling pagbabalik sa lipunan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay JO2 Glen Climaco, Chief Development Unit, BJMP, sinabi nito na isinasagawa ang pagpaparehistro sa loob ng pasilidad ng kulungan sa loob ng dalawang araw, Oktubre 30 at 31, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga PDL na magkaroon ng pambansang pagkakakilanlan kahit sila ay nasa kustodiya.
Bilang bahagi ng proseso, maaaring gamitin ang mga available na rekord ng PDL sa tanggapan ng kulungan, kabilang ang Certificate of Detention, bilang batayan sa pagproseso ng kanilang rehistrasyon.
Paliwanag ni Climaco, mahalaga ang pagkakaroon ng PhilSys ID dahil isa ito sa mga pangunahing dokumentong kakailanganin ng mga PDL sa oras na makalaya na sila, partikular sa pag-aasikaso ng iba pang dokumento at paghahanap ng trabaho.
Dagdag pa niya, bahagi ito ng paghahanda sa kanilang social reintegration o muling pakikibahagi sa komunidad at lipunan matapos ang kanilang pagkakakulong.
Samantala, kabilang din ang pagpaparehistro sa PhilSys sa mga aktibidad na isinasagawa ngayong taon kaugnay ng National Correctional Consciousness Week.
Saklaw ng BJMP Provincial Office ng Camarines Sur ang anim na pasilidad ng kulungan, kabilang ang Naga Male and Female Dormitories, Libmanan, Iriga, Tigaon at Sipocot.








