Ipinaliwanag ni Atty. Rainer Dela Fuente, dating financial investigator ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at expert witness ng depensa, ang pagkakaiba ng return of capital at return on capital sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes, Nobyembre 19.

Ayon kay Dela Fuente, ang return of capital ay tumutukoy sa pagbabalik ng orihinal na puhunan, samantalang ang return on capital ay ang tubo o kinikita mula sa isang investment. Naging paksa ito ng pagtatanong ni Senator-judge Joel Villanueva.

May kaugnayan ang paliwanag sa naunang testimonya ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, abogado ng GenCorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corporation. Ayon sa kaniyang pahayag, nakatanggap umano si Duterte ng P2.14 milyon mula sa GenCorp mula 2022 hanggang 2025 bilang pagbabalik ng puhunan, sa kabila ng iniulat na mahigit P46,000 lamang ang kaniyang inilagak na investment.

Dagdag pa ni Dela Fuente, kapag naibalik na nang buo ang orihinal na puhunan ng isang investor ngunit patuloy pa rin itong nakatatanggap ng mga bayad, maaaring ituring na kompensasyon o suweldo ang mga susunod na natatanggap na halaga, na maituturing nang kita.

Advertisement

Advertisement