Sinibak sa serbisyo ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang 11 pulis matapos mapatunayang sangkot umano sa mga pagdukot kaugnay ng anti-drug operations at sa kontrobersyal na kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon sa NAPOLCOM, napatunayang guilty ang mga pulis sa dalawang bilang ng grave misconduct at dalawang bilang ng conduct unbecoming of a police officer, kaugnay ng magkahiwalay na reklamo laban sa kanila.

Kabilang sa mga sinibak ay mga opisyal at miyembro ng Philippine National Police mula sa Regional Drug Enforcement Unit ng NCRPO, tulad nina Ryan Jay Orapa at Mark Phillip Almedilla, kasama ang iba pang walong pulis.

Batay sa reklamong inihain nina Milagros Estacio at Elizabeth Sotto noong Setyembre 3, 2025, inakusahan ang ilang pulis ng pagdukot sa kanilang mga anak sa magkakahiwalay na operasyon noong 2021.

Advertisement

Iniimbestigahan din ang ilan sa mga sinibak na pulis sa hiwalay na kaso ng pagkawala ng mga sabungero noong 2021 hanggang 2022, kabilang sina Dane Mark Carlos at Charles Dean Sotto, na umano’y dinukot sa ilalim ng pekeng anti-drug operations at nananatiling nawawala hanggang sa kasalukuyan.

Ayon kay Rafael Vicente Calinisan, ang kidnapping ay isang mabigat na krimen at malinaw na paglabag sa tiwala ng publiko na hindi dapat palampasin.

Samantala, iginiit ng PNP na iginagalang nila ang desisyon ng NAPOLCOM at patuloy ang kanilang internal cleansing campaign laban sa mga tiwaling opisyal sa hanay ng kapulisan.

Advertisement