Ipinag-utos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang dismissal sa serbisyo ng 11 pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng ilang sabungero sa magkakahiwalay na insidente ng abduction noong 2021.
Sa pahayag ngayong Biyernes, sinabi ng NAPOLCOM na ang mga tauhan mula sa Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (RDEU-NCRPO) ay napatunayang guilty sa dalawang counts ng grave misconduct at dalawang counts ng conduct unbecoming of a police officer.
Kabilang sa mga sinibak ay sina Police Lt. Col. Ryan Jay Orapa, Police Maj. Mark Phillip Almedilla, at iba pang opisyal at pulis mula sa iba’t ibang ranggo.
Ayon sa NAPOLCOM, ang administrative case ay nag-ugat sa reklamo na isinampa noong Setyembre 3, 2025 nina Milagros Estacio at Elizabeth Sotto, na nag-akusa sa mga pulis ng pagdukot sa kanilang mga anak sa hiwalay na anti-drug operations noong 2021.
Lumabas sa imbestigasyon ng Commission En Banc na may sabwatan umano ang mga respondent sa dalawang insidente: ang pagdukot kay Dane Mark Carlos sa Maynila noong Pebrero 17, 2021, at kay Charles Dean Sotto sa Las Piñas noong Marso 24, 2021.
Giit ng NAPOLCOM, ang kidnapping ay itinuturing na grave offense at may kaukulang parusa sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code.
Binigyang-diin ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan na ang anumang pang-aabuso ng mga pulis ay paglabag sa tiwala ng publiko at hindi dapat palampasin.














