Umaabot na sa 14 ang nasawi at 37 ang sugatan sa panibagong airstrikes ng Israel sa Lebanon, ayon sa health ministry, kasabay ng patuloy na palitan ng opensiba sa pagitan ng Israeli forces at Hezbollah sa kabila ng umiiral na ceasefire.

Ayon sa ulat, kabilang sa mga nasawi ang dalawang bata at dalawang babae, habang isang sundalong Israeli rin ang naiulat na namatay sa hiwalay na insidente.

Nagpalabas ng babala ang Israeli military sa mga residente na lumikas mula sa ilang bayan at iginiit na target ng operasyon ang mga mandirigma at armas ng Hezbollah, na umano’y lumalabag sa ceasefire.

Samantala, tumugon ang Hezbollah at sinabing magpapatuloy ang kanilang mga pag-atake hangga’t nagpapatuloy ang operasyon ng Israel sa loob ng kanilang teritoryo.

Advertisement

Sa kabila ng ceasefire na pinangunahan ng Estados Unidos, nananatiling marupok ang sitwasyon dahil sa tuloy-tuloy na bakbakan at ganting opensiba ng dalawang panig.

Ayon sa mga ulat, umabot na sa higit 2,500 katao ang nasawi mula nang muling sumiklab ang labanan noong Marso, kabilang ang mga sibilyan gaya ng kababaihan at kabataan.

Advertisement