Nagsimula ngayong Huwebes, Marso 26 ang dalawang araw na nationwide transport strike ng iba’t ibang grupo ng transportasyon bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.

Kabilang sa mga lumahok sa tigil-pasada ang mga tsuper ng jeepney, transport network vehicle services (TNVS), motorcycle taxi, bus, at UV Express mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon sa grupong PISTON, ramdam na ng mga drayber at kanilang pamilya ang matinding epekto ng krisis, gayundin ng mga commuter na hirap makasakay dahil sa kakulangan ng bumibiyaheng sasakyan.

Sa Metro Manila, isa sa pangunahing sentro ng protesta ang Aurora Boulevard sa Cubao, Quezon City kung saan nagsimula ang programa alas-6 ng umaga, habang may iba pang strike centers sa National Capital Region at mga probinsya.

Advertisement

Kabilang sa mga panawagan ng grupo ang pagtanggal ng value-added tax at excise tax sa produktong petrolyo, rollback ng presyo ng langis sa P55 kada litro, at pagbabasura ng Oil Deregulation Law.

Hinihiling din nila ang dagdag-pasahe, P1,200 family living wage, at nasyonalisasyon ng industriya ng langis upang mapababa ang presyo nito.

Dahil sa tigil-pasada, naghanda ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ng libreng sakay para sa mga apektadong commuter.

Advertisement