NAGA CITY- Arestado ang dalawa katao matapos makunan ng pinaniniwalaang shabu sa Zone 1, Balatas, Naga City.
Kinilala ang mga suspek na sina Jeric San Juan, anak ng kapitan ng naturang barangay at ang kasamahan na si Rodel Bal Jr. ng Dayangdang, Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), nabatid na naglalakad sa may Magsaysay Avenue ang dalawa nang lapitan ng mga nagrorondang mga otoridad at hiningian ng quarantine pass.
Ngunit sa halip na magbigay ng pass, sinubukan aniya ng mga ito na tumakas.
Ayon pa sa opisyal matagal nang mino-monitor ng mga otoridad ang suspek na si Bal dahil sa umano’y pagkakadawit nito sa sa iligal na droga.
Dahil dito, nahaharap sa kasong paglabag sa RA 11332 dahil sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine ang dalawa habang si San Juan naman ang nahaharap pa karagdagang kasong paglabag sa RA 9165.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang naturang mga suspek para sa karampatang disposisyon.