NAGA CITY – Sugatan ang dalawang indibidwal matapos na pagbabarilin sa Purok Villasante, Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City.
Kinilala ang mga biktima na sina Lorenzo Ebias Jr., 36-anyos at Robert Ebias, 34-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nakikipag-inuman si Lorenzo kasama ang mga kabarkada nito ng dumating ang suspek na si Lorenzo Garcia, 45-anyos at bigla na lamang pinaputukan ng baril ang biktima.
Ngunit hindi pa umano nakuntento ang suspek at binaril rin nito si Robert na lumabas lamang mula sa kanilang bahay upang alamin kung ano ang nangyayari sa labas.
Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang mga biktima sa kanilang mga katawan na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal.
Samantala, agad naman na nahuli ang suspek matapos isagawa ang nasabing krimen at kasalukuyang nasa kustodiya na ito ng mga otoridad para sa karampatang disposisyon.Top