Ipinahayag ng Department of Education na sa darating na 2026 National Schools Press Conference (NSPC), tanging mga regional champions lamang ang makaka-advance sa pambansang antas, ayon sa DepEd Memorandum No. 021, s. 2026.

Ayon sa memorandum na inilabas noong Marso 19, para sa mga individual categories, iisang top regional winner lamang kada medium ang papayagang makilahok sa NSPC. Para naman sa group categories, iisang koponan lamang kada medium mula sa bawat rehiyon ang makakasali sa pambansang kompetisyon.

Ang NSPC ang pangunahing pambansang patimpalak para sa mga estudyanteng mamamahayag, na pinagsasama-sama ang mga pinakamahusay mula sa division at regional press conferences. Saklaw nito ang iba’t ibang kategorya sa elementarya at sekundarya tulad ng news, feature, editorial, sports, science and technology writing, photojournalism, editorial cartooning, at column writing. Kasama rin ang broadcast at multimedia events gaya ng radio at TV scriptwriting, collaborative desktop publishing, online publishing, at mobile journalism bilang exhibition event para sa sekundaryang kalahok.

Itinatag ang NSPC alinsunod sa Republic Act No. 7079 at naka-align sa layunin ng K to 12 program na paunlarin ang kritikal, prinsipiyal, at responsableng mamamahayag sa kabataan.

Advertisement

Gaganapin ang 2026 NSPC mula Abril 13 hanggang 17 sa Ormoc City

Advertisement