NAGA CITY- Sugatan ang dalawang lalaki matapos na umano’y pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek dahil sa away sa sabong sa Barangay Malabanban Norte, Candelaria Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina, Norman Sintales 35-anyos at si Christian Tolentino 34-anyos mga residente nang nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Col. Jezreel Calderon hepe ng Candelaria PNP, sinabi nitong nakaupo lamang ang mga biktima sa isang vulcanizing shop habang hinihintay ang kanilang pinapaayos na motorsiklo ng biglang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril ang mga biktima.

Kaugnay nito, agad namang dinala sa ospital ang mga biktima na nagtamo ng tama sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Samantala, ayon kay Calderon matapos ang nasabing pamamaril agad naman na tumakas ang suspek na sa ngayo’y patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.