Pinagtibay ng Commission on Audit (COA) ang notice of disallowance sa ₱73 milyong confidential funds na ginastos ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022, ayon sa pagdinig ng House Committee on Justice.

Sa pagdinig kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, kinumpirma ni COA official Atty. Gloria Camora na nangangahulugan ang desisyon na dapat ibalik ng OVP ang naturang halaga sa kaban ng bayan.

Ipinaliwanag ni Camora na hindi nakasunod ang OVP sa itinakdang Joint Circular noong 2015, partikular sa kakulangan ng sapat na dokumento na magpapatunay na ginamit ang pondo para sa lehitimong confidential activities.

Dagdag pa niya, hindi napatunayan na ang ginastos na ₱73 milyon ay ginamit para sa intelligence o confidential operations na pinapayagan ng batas.

Advertisement

Bukod dito, ibinunyag din ng COA na may tatlo pang notice of disallowance na inilabas laban sa OVP na sumasaklaw sa ₱375 milyong confidential funds para sa taong 2023, na hinihintay pa ang pormal na paliwanag.

Ayon naman sa COA, ang notice of disallowance ay nangangahulugang ang paggastos ay maaaring “irregular, unnecessary, excessive, extravagant, o unconscionable.”

Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na may kahina-hinalang pagkakapareho ang ilang pirma sa mga resibo ng confidential funds, kahit magkakaiba ang mga pangalan ng tumanggap.

Lumabas sa forensic analysis na posibleng pitong indibidwal lamang ang sumulat o lumagda sa 36 na resibong sinuri, na nagpapataas ng pagdududa sa pagiging lehitimo ng mga dokumento.

Dagdag pa rito, natuklasan ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mahigit sa 1,000 pangalan mula sa listahan ng mga tumanggap ng pondo ay walang rekord ng kapanganakan, kasal, o kamatayan.

Bagama’t pinal na ang desisyon ng COA, maaari pa itong iapela ng OVP sa Korte Suprema.

Advertisement